Friday, March 23, 2007

Sa Safehouse

Nangangabasag ang ulan sa bubungan.
Hinahampas ng hangin ang mga dingding.
habang sa saradong bintana'y
Nakatutok ang mga mata't tulala,
Utak na ginagapangan ng pangitaing
Parang mga gagambang balahibuhin.
Sa isip niya, wala siyang naririnig na anuman
Kundi mga boses na nag-aawitan,
Hindi mga ungol at tili.
Walang anuman kundi mga boses na nag-aawitan.
Hindi ang mg aungol at tili ni Maryang ang katawa'y
ginagapangan ng mga kamay na balahibuhin.
Sa isip niya, sa kabila ng bintana,
Sa dako pa roon, naroroon ang mga paang
Lakad takbo sa gitna ng kadiliman at unos;
Naroroon ang mga kamay, nakikipagkamay
Sa mga kapatid na bukas ang malay.
Halika kasama, masdan mo, sabi ng mga tinig,
Napakarami ang patuloy na sumusulong.
At siya'y nagsalita:
Marya. Kasama. Lahat tayo'y mga mukhang walang pangalan.
Ang dila ang pinakamapanganib na bahagi ng ating katawan.
Supilin ang iyong dila.
Sisigaw tayo ng mabuhay!

(Mula sa "San Isidro, Safehouse, Mga Panaginip at Iba pang Tula't Ilang Sentimyento de Asukal," Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, 1989)

No comments: