Friday, March 23, 2007

Katayan at Matadero: Isang Paglalarawan

Kung ilalarawan ko sa iyo
Ang katayang ito
Sa maikling salita lamang,
Sasabihin kong nakalimbag
Sa madidilim nitong pasilyo
Ang maitim na testamento ng matadero.
Kung itatanong mo ang itsura't
Pangalan ng mataderong ito
Ang ilalarawan ko'y
Ang mga gawain niyang hindi ko
Maaring kalimutan
Pagkat sindami ng bato
Ang kanyang anyo
At pangala'y laging nagbabago.
Mula sa dulo ng buhok

Hanggang sa mga daliri
Nakukulapulan siya ng dugo
At nababalabalan ng tili.
At ang kagilagilalas ay ito:
Pagkatapos ng pakiusap at ungol na parang
Nanggagaling sa malalim na balon
Pagkatapos ng mga unday
At hiwa ng patalim
Pagkatapos ng kisay at tilamsik
Sa kabila ng binasag na bungo
At patid na litid
Sa kabila ng matang may bulag na titig
At dilang nagtataglay ng patay na alingawngaw,
Sumisipol na iiwan niya ang bangkay
Na parang walang anuman,
Parang walang anuman!


(Mula sa "San Isidro, Safehouse, Mga Panaginip at Iba pang mga Tula't ilang Sentimyento de Asukal," Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, 1989)

No comments: