Ang San Isidro ay pook na lagi't laging titindig
Sa aking alaala. Ito ay may kapilyang walang dingding;
Nagkakamisa lamang tuwing Pasko at pista.
Nginatnat na ng ngipin ng panahon ang mga bahay
Na yari sa pawid at tabla. Kapag buwan ng Mayo,
Ang kupas na imaheng kahoy ng Birheng Maria sa altar
Ay sinasabuyan ng iba't-ibang bulaklak ng mga bata't
Kadalagahan, habang nagkakantahan, sa kabila ng kanilang
Pagas na kabuhayan. Ang kampana ay nakabitin sa malabay
Na sanga ng matandang punong-mangga. Luma na ang kampana.
Panahon pa ito ng Kastila, ginawa mula sa tinunaw
Na mga sako-sakong barya. Noon, pinatutugtog pa ito
Ng mga bata pagsapit ng ika-anim, pag kumakalat na ang dilim:
Nag-aantada ang mga matatanda at nagmamano ang mga anak at apo,
Tulad ng itinuro sa atin noong mga bata pa tayo;
Tulad ng nabasa natin sa mabubuting libro.
Ang San Isidro ay habitasyon ng mga pangarap
Na kakulay ng mga uhay at mga paang simpayak
Ng mga tingkal sa unang patak ng ulan.
Maraming San Isidro ang ating panahon:
Nakabaon sa tadyang ng mga tao ang sugat ng mga nakaraang siglo.
At taglay nila ang kaalamang pamana ng mga nakaraang dekada.
Nag-oorganisa sila at nagtatayo ng mga kooperatiba.
Minsang dinalaw ito isang umaga,
Ng dalawang trak ng sundalo, maraming pangarap
Ang parang mga butil na nangalagas.
Tahimik na pinatugtog ng mga bata
Ang lumang kampana nang ihatid sa hukay ng buong baryo
Ang labimpitong anak ng San Isidro:
Ang batingaw nito ang naging dila ng mga tao sa mga sandaling iyon.
Ng katahimikang nakapagpapatigas ng mga kunot sa noo.
Ang San Isidro ay pook na lagi't laging titindig sa ating
Alaala saan man ako mapunta.
(Mula sa "San Isidro, Safehouse, Mga Panaginip at Iba pang Tula't Sentimyento de Asukal," Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, 1989)